Thursday, 30 January 2025

Pagbasa 101


P - Pagsulat ay nagsumula sa pagbasa.

A - Aktibong pagbabasa ay lubos na makakatulong

G - Gagabayan tayo sa ating pagkatuto

B - Bilang libro, maaaring gamiting panglibang

A - Aalagaan tayo nito sa pag-usbong sa buhay

S - Sapagka't makakabuti ito sa atin

A - Aral ay sigurado nating mapupulot

Book Review (Taming the Waves by Inksteady)

I. PANIMULA

  1. Pamagat


Ang pamagat na "Taming the Waves" ay talagang nakakatawag ng pansin. Ito’y may kakayahang magpukaw ng kuryusidad sa kahulugan nito, kahit pa na ito ay binubuo lamang ng mga simpleng salita. “Bakit nga ba tinatahan ang mga alon?,” isang tanong na agad pumapasok sa isipan. Sa likod ng mga salitang ito ay isang tauhang binagyo ng emosyonal na sakit, isang pusong winasak ng nakaraan. Ang mga "alon" ay hindi basta tubig na humahampas sa dalampasigan kundi mga alaala at pakiramdam na paulit-ulit na bumabalik, parang dagat na hindi natutuyuan. Sa bawat hampas, may kirot. Sa bawat paghupa, may pangambang babalik muli. Ngunit marahil, hindi naman kailangang pigilan ang alon at baka ang tunay na kalayaan ay matutunang sumabay sa ritmo nito.


Imbes na magpatangay sa agos, natututo ang tauhan na hawakan ang timon ng kanyang sariling paglalakbay. Sa bawat alon, unti-unti niyang nauunawaan ang lalim ng kanyang pagkatao. Hindi man tuluyang mapayapa ang dagat, natututo siyang sumayaw sa mga alon, hindi upang labanan ang mga ito, kundi upang makasabay—hanggang sa matagpuan niya ang kapayapaan kahit sa gitna ng pinakamalalakas na bagyo.


  1. Uri ng Panitikan At Genre


Ang akdang ito ay isang makabagong nobelang romansa na tumatalakay sa kasalukuyang panahon at nakatuon sa mga tema ng pag-ibig at relasyon. Makabago ito dahil binibigyang pansin ang mga isyu tulad ng mental health, trauma at pagpapagaling—mga bagay na tiyak ay marami sa atin ang nakakaranas o nakaka-relate. Ang mga tauhan ay dumadaan sa mga pagsubok na tunay sa buhay at ang kanilang mga pag-uusap at pakikisalamuha ay parang isang tapat na kwento ng mga tao sa ating panahon.

Isa itong romansa dahil nakapokus ito sa mga emosyonal na koneksyon, at kung paano ang pag-ibig at suporta mula sa iba ay nakatutulong sa pagpapagaling ng pangunahing tauhan. May mga romantikong sandali na magpapangiti sa’yo, at ipinapakita kung paano ang mga relasyon ay hindi lang basta pagmamahal, kundi nagbibigay din ng lakas at pagkakataon para sa personal na pag-unlad. Sa kabuuan, ang akdang ito ay isang magandang pagsasanib ng mga tunay na hamon sa buhay at isang tapat na kwento ng pag-ibig.

  1. Pagkilala sa May-akda


Si Inksteady, o mas kilala sa pangalang Idy, ay isang kahanga-hangang manunulat mula sa Pilipinas na nagsimulang mag-post sa Wattpad noong Setyembre 2020. Ipinanganak siya noong Hulyo 16, 2000, sa Luzon, at nagtapos ng kursong Psychology noong 2022. Ngayon, mayroon siyang higit sa 600,000 tagasunod sa Wattpad, na patunay ng pagiging popular ng kanyang mga kwento. 


Ang pagsusulat ni Inksteady ay tiyak na nahubog ng kanyang kaalaman sa psychology, na tumulong sa kanya upang mas malalim na maipakita ang mga emosyonal at mental na pagsubok ng kanyang mga tauhan. Bukod pa rito, ang kanyang mga personal na karanasan at pagmamasid sa ugali ng tao ay malaki ring impluwensya sa kanyang estilo ng pagsusulat, lalo na pagdating sa mga tema ng trauma, pagpapagaling, at personal na pag-unlad. Ang kanyang mga kwento ay hindi lamang kwento ng pag-ibig, kundi mga kwento ng tunay na buhay na nagpapakita ng mga hamon at tagumpay sa emosyonal na aspeto ng tao. 


Ang mga tanyag na akda ni Inksteady ay kabilang ang Chasing the Sun, na siyang unang libro ng College Series, na inilathala mula Setyembre 9 hanggang Oktubre 7, 2020. Ang pangalawang libro ng serye, ang Taming the Waves, ay inilabas mula Oktubre 7 hanggang Nobyembre 18, 2020. Huling inilathala ang Loving the Sky, ang ikatlong akda sa serye, mula Nobyembre 20, 2020, hanggang Enero 29, 2021.


II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN


  1. Tema / Paksa


Ang pangunahing tema ng kwento nito ay tungkol sa pagpapagaling mula sa mga sugat ng nakaraan, mental na pangkaisipan at ang pag-usbong ng ating sarili. Pinapakita nito ang mga emosyonal na pagsubok at trauma na kinakaharap ng pangunahing tauhan. Sa kwento, makikita natin kung paano naapektuhan ng mga hirap at sakit ang kanyang mga relasyon at personal na pag-unlad. 


Habang naglalakbay siya sa mga pagsubok, nagsusumikap siyang magpagaling at maghanap ng lakas mula sa loob, na nagdadala sa kanya ng mas malalim na pag-unawa at pagpapabuti sa sarili. Ang mensahe ng akda ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang katatagan, pati na rin ang makapangyarihang epekto ng pagmamahal at personal na paglago sa ating paghilom at paglakas.


  1. Mga tauhan, Tagpuan, at Panahon


Mga Tauhan:

  • Elora Chin Valencia – Siya ang pangunahing tauhan sa kwento, isang batang babae na dumaan sa matinding trauma at emosyonal na pagsubok. Ang kanyang journey ay tungkol sa pagpapagaling mula sa nakaraan at pagtanggap sa kanyang sarili. 

  • Troy Jefferson Dela Paz – Ang kaibigan at potensyal na pag-ibig ni Chin. Siya ay isang mabait at mapagkalingang tao na nagbigay ng suporta kay Chin sa kanyang paghahanap ng pagpapagaling. 

  • Rovina Desamero – Isang matalik na kaibigan ni Chin. SIya ay malalim na ugnayan sa kwento at may malaking papel sa pag-unawa ni Chin sa kanyang sarili. 

  • Mrs. Valencia – Ang ina ni Chin na isang sentral na tauhan sa buhay ni Chin, ngunit siya ay hindi laging naroon upang magbigay ng direktang suporta. 


Mga Tagpuan:


Ang kwento ay madalas naganap sa isang unibersidad, isang lugar kung saan natuklasan ni Chin at ng iba pang tauhan ang kanilang mga sarili at ang kahalagahan ng kanilang mga relasyon, pati na rin ang kanilang mga emosyonal na pagsubok. Dito nangyari ang mga makulay at minsan masakit na sandali na nagpapaalala sa atin kung paano ang mga personal na laban ay nagiging bahagi ng ating paglago. Hindi rin mawawala ang tahanan ni Chin sa kwento na isang lugar na puno ng mga alaala. Dito niya hinarap ang mga tensyon sa kanyang relasyon sa ina, isang bahay na nagsisilbing saksi sa kanyang mga sugat at paghihirap sa buhay. At syempre, mayroon ang KFC, isang tagpuan na may espesyal na lugar sa puso ni Chin. Sa kabila ng lahat ng magaan at mabigat na sandali, sa KFC niya natutuhang balansehin ang mga magagandang karanasan at ang mga hindi gaanong masaya. Ito ay ang simpleng lugar na nagsilbing lugar na maraming tawa at luha.


Panahon:


Ang panahon ng kwento ay nangyari sa kasalukuyan, sa makabagong mundo. Sa tagpuan ng unibersidad, makikita ang mga tauhan na nahaharap sa mga hamon ng mga emosyonal na laban at mga relasyon. Ito’y ang mga isyung karaniwan sa buhay ng mga kabataan ngayon. Ang mga teknolohiya, tulad ng online na pag-uusap at social media, ay nagsisilbing mga salamin ng makabagong panahon, kung saan mas bukas ang mga tao sa kanilang mga nararamdaman at ang kanilang kalusugan pang-isipan. Sa isang mundong puno ng koneksyon at impormasyon, mas malaya nilang naipapahayag ang kanilang mga hinanakit at paghihirap, ito’y mga bagay na sa nakaraan ay maaring ikinahihiya pa.


  1. Estilo ng Pagkakasulat ng may-akda

Maaaring ilarawan ang estilo ng pagsusulat ni Inksteady bilang puno ng emosyon, malalim na pagmumuni-muni at masalaysay. Ginagamit niya ang matinding pagpapahayag ng damdamin, na halos ipinaparamdam sa mga mambabasa ang panloob na laban ng kanyang mga tauhan. 

Ang kanyang mga akda ay hindi lang madaling sundan, kundi puno ng mga diyalogong totoo at relatable. Parang kausap mo lang siya habang binubuksan ang mga saloobin ng mga tauhan mula sa puso, kaya’t hindi mo maiwasang maramdaman ang bawat sakit, kaligayahan, at paghihirap na kanilang pinagdadaanan. Ang tono ng kanyang pagsusulat ay may malasakit at tapat, kaya’t madali mong madarama na ang bawat kwento na parang hindi lamang ito kwento, kundi isang bahagi na ng kanilang buhay.

IlI. PAGSUSURING PANGKAISIPAN

  1. Kakintalan / Kaisipan


Sa Taming the Waves, hindi lang basta pagpapagaling ang matutuhan mo dito, dahil mapapansin mo rin na ang ating mga kahinaan ay hindi hadlang kundi isang hakbang tungo sa mas malalim na pag-unawa sa sarili. Ipinapakita ng kwento na kahit ang mga sugat natin ay may kakayahang magturo ng lakas at hindi laging masama na aminin ang ating mga pagkukulang. Ang mga tauhan sa kwento ay nagpapakita na ang tunay na pagmamahal ay hindi lang nakikita sa mga magagandang sandali, kundi pati na rin sa mga oras ng sakit at pagsubok. Kaya, ang mga aral ng kwento ay naglalaman ng halaga ng pagtanggap sa sarili at kung paano ang mga relasyon ay makakatulong sa ating paglago.


  1. Kulturang Masasalamin


Ang akdang ito ay naglalarawan ng mga tunay na isyu sa lipunan tulad ng nasa Pilipinas, partikular na ang stigma tungkol sa kalusugang pangkaisipan. Ipinapakita ng kwento kung paano ang mga taong nakakaranas ng emosyonal na sakit at trauma ay madalas na hindi nauunawaan o binabalewala ng lipunan, na nagiging sanhi ng kanilang pakiramdam ng pag-iisa. Tinutukoy din ng akda ang mga isyu tulad ng pang-aabuso at ang epekto nito sa buhay at relasyon ng mga tauhan. Sa pamamagitan ng mga temang ito, ang libro ay naglalayong magbigay diin sa kahalagahan ng pag-unawa, upang mabasag o mawala ang mga maling pananaw at magbigay ng mas malawak na suporta para sa mga taong dumaranas ng mga hamon sa kalusugang pangkaisipan at nakaranas ng pang-aabuso.


IV. LAGOM


Ang akdang Taming the Waves ay tungkol sa isang dalaga na natutong harapin ang sakit ng nakaraan at muling maniwala sa pagmamahal. Sinusundan nito si Elora Chin Valencia, isang 19-anyos na psychology student na may mabigat na dinadala mula sa kanyang tahanan. Lumaki siyang puno ng takot at pagdududa dahil sa masakit na relasyon niya sa kanyang ina’t pamilya. Kahit anong gawin niya, tila hindi niya matakasan ang sakit na bumabalik sa kanya, parang malalakas na mga alon na hindi niya kayang pigilan.  


Dumating si Troy Jefferson Dela Paz, isang 19-anyos na civil engineering student na matagal nang may lihim na paghanga kay Elora. Sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan, unti-unting natutunan ni Elora na magtiwala kay Troy. Sa kanya, natagpuan niya ang isang ligtas na lugar. Siya ang naging isang taong handang manatili kahit pa may bagyong bumabalot sa kanyang puso. Sa bawat sandali nilang magkasama, natutunan niyang hindi lahat ng relasyon ay may kasamang sakit.  


Habang lumilipas ang panahon, natutuhan ni Elora na hindi niya kailangan hayaan ang nakaraan na sirain ang kanyang hinaharap. Unti-unti siyang gumaling at natutong harapin ang mga alon ng kanyang takot at trauma. Nakapaloob sa dito ang paghilom, pagmamahal at pagkatuto na kahit gaano pa kalakas ang hampas ng alon sa ating buhay, kaya nating bumangon at lumangoy patungo sa mas maliwanag na bukas.


V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI

Ang akdang ito ay sobrang kaaliw at nakakapagpalawak ng isipan. Ramdam na ramdam ko ang karanasan ni Chin na bilang estudyante at bilang anak sa kanyang pamilya. Gustong-gusto ko kung paano ito isinulat, parang nandoon din ako sa mundo nila, nakikinig at nakikisali sa usapan, parang tsismisan lang tungkol sa iba’t ibang nangyayari. Nakakatuwa rin kung paano unti-unting nagkaroon ng koneksyon sina Chin at Troy. Dahan-dahan silang lumalapit sa isa’t isa, at dahil doon, mas lalong nakaka-excite basahin.

Pero para sa akin, si Rovina ang pinaka-astig na side character. Ang kanyang walang sawang suporta kay Chin at ang kanyang malakas na personalidad ay dahilan kung bakit ang saya niyang basahin. Isa siya sa mga paborito kong bahagi ng kwento. Pinapaalala niya na ang pagkakaibigan ay isang bagay na hindi natin dapat balewalain. Isa rin sa pinaka nagustuhan ko ay kung paano tinalakay ng kwento ang mental health. Ang daming misconceptions at stereotypes ang nabasag dito. Ipinakita kung gaano kahalaga ang kapaligiran sa ating isipan at kung wala kang kapayapaan sa paligid mo, mahirap ding makahanap ng kapayapaan sa loob mo.

Bagaman nagustuhan ko ang aklat, may isang bahagi lang na pakiramdam ko ay hindi ganoon kaganda. Tulad ng konsepto ng pagkalaglag ng bata ni Chin—para sa akin, naging pilit itong isinama at naging awkward na lamang. Sa totoo lang, wala itong naging epekto sa akin, at wala siyang naging dating. Sa aking palagay, hindi ito nababagay kwento. 

Kahit na may isang negatibong reaksyon, sa kabuuan, sobrang nagustuhan ko pa rin ang aklat. Damang-dama ko ang mga emosyon habang binabasa ito, kaya naman nakakatuwa at satisfying ang buong karanasan. Hindi masyadong corny ang mga dialogue at bawat karakter ay may espesyal na epekto sa kwento. Tunay na magaling ang manunulat na si Inksteady at ang librong ito ay patunay sa kanyang talento. Irekomenda ko ito sa mga nawawalan ng pag-asa dahil sa mga pagsubok ng buhay at sa mga gustong magbuhos ng luha pagkatapos magbasa. Talagang naaliw ako habang binabasa ito, at isa itong karanasang hindi ko malilimutan.


Wednesday, 1 January 2025

Mananatili Kayo, sa Tabi Ko

    Ang ating mga magulang ang pangunahing pundasyon ng kung sino tayo bilang tao. Pinalaki nila tayo sa kanilang mga kamay at isinakripisyo ang marami sa kanilang sarili para suportahan tayo. Ang kantang “Anak” ay nagpahiwatig ng makapangyarihang mensahe sa pamamagitan ng mga liriko nito, na nagpapakita kung paano maaaring magbago ang buhay ng isang anak kapag napalayo sila sa kanilang mga magulang.  

    Ipinaaalala sa atin ng kanta na sa simula ng ating buhay, inalagaan tayo ng ating mga magulang noong tayo'y mga sanggol pa. Inuna nila tayo kaysa sa kanilang sariling pangangailangan para lang mapalaki tayo. Sobrang saya nila na magkaroon ng anak, dahil ito ay isa sa pinakamakabuluhang karanasan sa buhay. Ngunit habang lumilipas ang panahon, tulad ng lahat, nagbabago tayo. Lumalaki tayo, lumalayo sa kanila at mas bumubuo ng malalapit na relasyon sa ibang tao, tulad ng mga kaibigan. Nagsisimula na nating balewalain ang kanilang mga payo dahil iniisip nating palagi na nasa tama tayo at hindi na nila dapat kontrolin ang buhay natin. Ngunit sa bandang huli, napagtatanto natin na sana'y nakinig tayo, dahil nakikita na natin ang resulta ng ating mga desisyon nang wala ang kanilang gabay. Napapansin nating nagkamali tayo nang lubos at sana’y mas naging maayos ang ating mga naging desisyon sa buhay. Ngunit sa kasamaang palad, huli na ang lahat, ito'y nangyari na at wala na tayong magagawa  pa para baliktarin ito.  

    Sa pagtatapos, nararapat lamang nating pakinggan ang ating mga magulang. Bigyan natin ng halaga ang kanilang mga sinasabi dahil balang araw magiging mahalaga ito para sa ating buhay. Pasalamatan din natin ang lahat ng kanilang nagawa para mapalaki tayo—isinakripisyo nila ang kanilang buhay para sa atin. Lagi tayong maging mapagpasalamat na mayroon tayong magulang, dahil hindi lahat ay nabibigyan ng ganoong biyaya.

Nasa Diyos ang Awa, Nasa Tao ang Gawa

    Lagi akong tinuruan na ang paniniwala sa Diyos ang makakalutas ng lahat ng aking problema. Sinabi ng aking mga magulang na magdasal ako gabi-gabi upang malampasan ang aking mga pagsubok. Pero habang lumalaki ako, napagtanto ko na hindi pala ganoon kadali. Ang kasabihang “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa,” na itinuro sa akin ng aking mga guro, ay nagturo sa akin na ang aking kinabukasan ay nakasalalay pa rin sa aking mga ginagawa.  

    Natutunan ko sa aking karanasan na tayo ang humuhubog ng ating sariling kinabukasan. Ang ating mga aksyon ngayon ang nagtatakda ng mangyayari sa hinaharap. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng awa at gabay sa lahat ng ating ginagawa. Kaya tayo ay nagdarasal—upang hingin ang kanyang patnubay at tulong sa ating paglalakbay. Para magtagumpay, kailangan natin ang parehong pagsisikap mula sa ating sarili at tulong mula sa Diyos. Halimbawa, kung gusto mong pumasa sa isang pagsusulit, maaari kang magdasal sa Diyos upang sa gabay at karunungan. Ngunit kung hindi ka mag-aaral o maghahanda, hindi ka papasa. Nariyan ang awa ng Diyos upang suportahan ka, ngunit kailangan mo pa ring magsikap upang magtagumpay.  

    Sa kabuuan, tayo pa rin ang dapat kumilos, at ang Diyos lamang ang nagbibigay ng awa at gabay sa atin. Ang ating kinabukasan ay nasa ating mga kamay, pero laging nariyan ang Diyos upang suportahan tayo. Siya ang pinakamalaking biyayang natanggap natin, at dapat tayong maging magpasalamat na nandyan siya lagi para sa atin.

Tuesday, 31 December 2024

Kung Hindi Ukol, Hindi Bubukol


    Tayo ay nabubuhay sa isang mundong puno ng mga oportunidad. Minsan tayo ay nabibigo at hindi nakukuha ang ating nais, ngunit may mga pagkakataong tayo ay magtatagumpay. Hindi ito tiyak, ngunit para sa akin, nakakapagbigay ito ng saya at hamon sa buhay. Maaari nating isipin ito sa pamamagitan ng kasabihang, "Kung hindi ukol, hindi bubukol." Ibig sabihin nito, kung ang isang bagay ay hindi para sa’yo, hindi ito mangyayari.

    Sa realidad, kahit na ibigay mo ang lahat ng iyong pagsisikap at hindi mo pa rin makuha ang nais mo, ibig sabihin lang nito ay hindi ito tinadhana para sa’yo. Ngunit may isang bagay na naghihintay sa’yo na talagang angkop at bagay sa'yo. Mangyayari ito dahil nakatadhana ito. Ang mga bagay ay nangyayari lamang kapag ito ay talagang para sa’yo. Halimbawa, isipin mo na may doorknob na kumakatawan sa isang oportunidad at may mga susi na kumakatawan sa iyong mga pagsusumikap. Ang doorknob ay ang dependent variable at ang mga susi ay ang independent variable. Sinubukan mong gamitin lahat ng susi, ngunit wala sa mga ito ang nakakabukas ng doorknob. Kahit gaano mo pa pagsikapan, hindi ito mabubuksan dahil ang doorknob na iyon ay hindi para sa’yo. Pero may isa pang doorknob na paparating pa lamang na angkop sa iyong mga susi, at iyon ang mabubuksan mo.

    Sa kabuuan, minsan sa buhay, hindi natin nakukuha ang ating nais, at ayos lang iyon. Dahil may mas maganda pang naghihintay sa’yo, isang bagay na angkop at nakatadhana para sa’yo. Kailangan mo lang maging matiisin, dahil ang pasensya ang susi sa pagkuha ng buhay na nararapat para sa:yo.

Hiraya Manawari

    Lahat tayo lumaki na may iniisip at inaasam na matutupad ang ating mga pangarap sa takdang araw. Ang pariralang “Hiraya manawari” ay ibig-sabihing “umaasa ako” o “nagnanais ako” sa mas makatang paraan. Para itong dasal o hiling na sana’y magkatotoo ang isang pangarap. Para sa akin, maganda ang mangarap at umasa, ngunit hindi ito mangyayari ng madalian lamang. Kapag iniisip natin ang ating mga pangarap, nakakaramdam tayo ng kasabikan at determinasyon dahil napakaganda ng mga ito. Ito ang nagbibigay sa atin ng motibasyon para magpatuloy. Pero normal lamang ang mga hamon sa proseso, at kailangan nating tandaan na hindi natin mararating ang ating mga pangarap kung hindi natin ikikilos ang ating sarili.  

    Laging may mga balakid sa ating daan, kaya dapat tayong maging handa at matalino sa ating mga desisyon na gagawin natin. Lagi nating ipaalala sa ating sarili na huwag sumuko. Kahit anong sitwasyon, hindi dapat maging opsyon ang pagsuko. Sa halip, manatili tayong may pag-asa at maging matiyaga sa ating paglalakbay. 

    Upang maging totoo ang ating mga pangarap, kailangang maging buo ang ating dedikasyon. Mahalagang magpursige dahil kung wala ito, wala tayong mararating. Mahalaga rin ang motibasyon, ngunit kailangan din natin ng disiplina. Ito ang tutulong sa atin na manatiling nakatuon at magpatuloy sa pag-abot sa ating mga layunin.  

    Sa madaling salita, kailangan natin ng pag-asa at pagkilos. Ang pagnanais ay nagpapalakas ng ating kagustuhang maabot ang ating mga pangarap, ngunit ang pagkilos ay ang susi upang mangyari ito. Magkasama, maari nating maabot ang ating mga mithiin.

Saturday, 30 November 2024

S#2: Buhay ni Jomic, Sa Ngayon

    Isa siyang kahanga-hangang tao, ngunit tinatago niya ito dahil iniisip niyang walang makakapagpahalaga sa kanya. Pinili niyang manatiling mag-isa sa mahabang panahon, kaya’t hindi siya humingi ng atensyon mula sa iba dahil ayaw niya ring isipin ng tao na siya'y desperado. Dati, mahal niya ang pagiging mag-isa ngunit habang tumatagal, nagsawa na rin siya rito. Unti-unti siyang nalungkot, lalo na tuwing nakikita niyang masaya ang mga taong magkakasama. Hanggang sa dumating ang isang tao sa buhay niya, na nagdala ng pagbabago para sa ikabubuti niya.

    Siya'y si Jomic, isang mahiyain na mag-aaral sa senior high sa Sta. Lucia High School kung saan siya ay maituturing na magaling kanyang klase. Nakatuon lamang siya sa kanyang pag-aaral at mga gawain sa paaralan sapagka’t wala siyang iba pang ginagawa. Karaniwan na sa kanya ang hindi magsalita ng madalas buong araw dahil wala siyang nais kausapin. Hanggang dumating ang isang babae sa buhay niya na nagpabago ng kanyang pananaw sa kanyang buhay. Siya ay isang kakaibang babae na kayang gawin ang kahit ano sa tulong ng kanyang sigasig. Lagi siyang masayang makipag-usap kay Jomic kahit masama man ang dinanas niyang araw. Palagi pinapakinggan ni Jomic ang mahahabang kwento at chikahan nito tuwing pagkatapos ng klase. Kapag nakasindi na ang mga ilaw at kitang-kita na ang buwan, magkasama silang naglalakad pauwi at walang tigil ang kanilang usapan hanggang sila’y makarating sa kanilang tahanan. Lubos ang saya ni Jomic nang siya'y nakilala siya at lubos siyang nagpapasalamat dahil siya ay kaniyang pinahalagahan. Siya ang nagbigay sigla sa buhay ni Jomic. Dati siyang malungkot na mag-aaral ngunit dahil sa kanya, naging pinakamasaya siya.


    Minsan sa buhay, nakukuha mo ang nararapat sa'yo, kailangan mo lang matutong maging matiisin. Huwag mawalan ng pag-asa dahil maaaring tadhana mo ang maghintay. Kagaya ni Jomic, hindi niya kailanman pinilit ang mga bagay na mangyari. Nanatili siyang kontento sa mga bagay na mayroon siya. Sa totoo ay hindi natin matatantiya ang mga pangyayari sa buhay. Tulad niya na hindi niya inasahang magkakaroon siya ng “girl best friend.” Ang kanyang pasensya ay nagbunga ng pagiging pinakamasayang tao. Balang araw, magkakaroon din tayong lahat ng isang kaibigan na makikinig sa atin araw-araw kahit anuman ang sitwasyon.

Pagbasa 101

P - Pagsulat ay nagsumula sa pagbasa. A - Aktibong pagbabasa ay lubos na makakatulong G - Gagabayan tayo sa ating pagkatuto B - Bilang libro...